Mabilis magbago ang panahon, ganoon na rin ang modelo o unit ng iyong smartphone — maya’t maya ay nag-a-update sa bago at mas mabuting anyo o bersyon. Masasabi na sa tulin ng ebolusyon ng teknolohiya ngayon mabilis naluluma ang mga gamit, ang bunga: basura. E-waste ang tawag dito, basurang likha ng mga kagamitang elektronikong naging depektibo at ngayon ay hindi na maaaring isalba o yaong sadyang napagsawaan lamang. Tila balat ng kendi na hindi na makokonsumo, ayun nga lang, gawa ito sa bakal at may mga kemikal pang halo, na nakasasama pa kung minsan.

GRAPHICS: Raniella Grazelle Martinez

Ang uri ng basurang ito ang pinakamarami kung maitambak sa buong mundo. Itinataya ng datos na inilathala ng Global E-waste Monitor noong taong 2017, na sa taong 2016, 44.7 milyong toneladang e-waste ang nakakalap at naitatambak taun-taon – na maaring simbigat ng isandaang-libong pampasaherong eroplano. Nakasaad sa ulat na ito na 290 kilotons ang mula sa Pilipinas, halos 2.8 kilo kada Pilipino. Itinatayang aabot ng 52.2 milyong tonelada, sa taong 2021, ang e-waste na lilikhain ng mundo. Papaanong hindi ito rarami ng ganoon, samantalang mga pang-araw-araw na gamit natin ang pinagmumulan nito?

Tingnan mo pa lamang ang hawak mong smartphone ngayon, ayon pa sa infograpikong inilabas noon ng UP Circuit: sa kada isang milyong smartphone na itinatapon na lamang, labing-anim na libong kilo (16,000 kg) ng tanso (copper), tatlungdaan at limampung kilo (350 kg) naman ng pilak (silver), tatlumpu’t apat na (34kg) na ginto (gold), at labing-apat na kilo (14 kg) ng paleydyum (palladium) ang naroroon. Di natin sukat akalain na ganun karaming mamahaling bakal ang itinatapon na lang natin ng basta-basta (na ayon pa sa kanila’y kasimbigat ng tatlong matandang elepante).

Gayunman, hindi smartphones ang may pinakamalaking ambag sa pagdami ng basurang ito. Ang pinakamaraming e-waste ay galing sa consumer electronics tulad ng toaster, video cameras,  microwave ovens, at vacuum cleaners na bumubuo sa 30.5% ng kabuuang e-waste na nakalap noong taong 2014, samantalang 7.2% lamang ang binuo ng mga phones, laptops, desktop computers, at printers. Matapos natin itapon ang mga ito, saan nga ba ito napupunta? Yung iba nabibili ng mga nagbobote na ibinebenta naman nila sa mga nagkukumpuni. Matapos itong maayos ito naman ay maaring ibenta ng repair shop bilang second hand na kagamitan. Maari din naman na imbis na ayusin, ito ay kahuyin para sa spare parts. Pero paano naman yung mga hindi napupunta sa mga repair shop? Ito ay kadalasang iniimbak sa mga landfill sa ating bansa o kaya dinadala sa mga junk shop.

Ang pagdadala ng mga lumang elektronikong kagamitan sa mga junk shop upang madistrongka ang mga parte at pakinabangan muli, lingid sa kaalaman ng nakararami, ay mapanganib.  Ang mga kemikal na nasa mga kagamitang ito, na kung babaklasin lang basta-basta ang mga parte at dadampi sa katawan, ay maaaring makapinsala agad sa kalusugan. Nakadadagdag din mismo sa polusyon sa hangin ang mga gawain gaya ng pagsusunog ng mga kable upang makuha ang tanso sa loob nito.

Itinatag ng UP Circuit ang “The E-waste Project” o TEP  nung taong 2012 upang matugunan ang problemang dulot ng e-waste. Ito ay hango sa ideya ni Mai Dealino at inaprubahan sa ilalim ng pamamalakad ni Nestor Mendoza, Jr. Ngayon ito ay pinangungunahan na ni Karl Jason Lacuesta at Ara Tamayo at ginagabayan ng kasalukuyang UP Circuit Chairperson na si Carl Adrian Patco.  Sa kasalukuyan, ang proyekto na ito ay nakabukod sa UP Circuit. Ang organisasyon na nagsilang dito ay nagsisilbi na lamang na katuwang nito sa kanyang layunin. Ang istrukturang ito ay dulot na rin ng plano na maging isang ganap na Non-Government Organization balang araw tulad ng BAN Toxics. Mula ng ito ay itinatag, hindi nagbago ang  layunin ng proyektong ito na makapagbigay kaalaman ukol sa panganib na dulot ng paggamit ng maling pamamaraan sa pagtapon ng mga e-waste. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng mga seminar at mga panayam sa loob at labas ng pamantasan. Bukod dito, nangongolekta taun-taon ng ilang truck ng e-waste upang dalhin sa mga kinikilalang recycler.

Lumapit na rin sila sa mga pribadong kumpanya upang itaguyod ang kanilang layunin. Subalit sa kasawiang palad, ang mga kumpanyang nilapitan nila ay mas nais ibenta sa TEP ang kanilang e-waste imbis na makipagtulungan. Sa kabila nito, pinili na lamang ng TEP na i-konek sa mga kumpanyang ito ang mga recycler na may kakayanan iproseso ang mga e-waste.

Sa kawalan ng mandato mula sa gobyerno ukol sa tamang pamamahala ng e-waste walang mag-uudyok sa mga kumpanya na gawin ito. Meron mang Batas Republika 9003 na ukol sa pagbukod-bukod ng basura hindi nito direktang tinatalakay ang e-waste. Kailangan ng batas na tutukoy sa tamang pamamahala ng ganitong uri ng basura lalo na sa panganib na maaring idulot nito sa mga mamayan. Subalit, kahit anong halaga nito para sa kalusugan ng mga Pilipino, lahat ng panukala ukol dito ay nakabinbin sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa Mababang Kapulungan, at sa Senado.

Bagama’t sila ay bigo sa pagkikipag-ugnayan sa mga pribadong institusyon, hindi tumigil doon ang pagtaguyod nila sa kanilang layunin. Upang makakalap ng sapat na traksyon, mula noong 2017, nakikipag-ugnayan na rin sila maging sa ibang mga organisasyon mula sa iba’t ibang unibersidad na mayroong kaparehang hangarin, gaya ng: UP ECOSYSTEMSS (UPLB), UP Saribuhay (UPM), ECES (DLSU), UST NECES, at ACOES (AdU) na nagsasagawa rin ng kanilang mga pagkilos sa kani-kanilang mga unibersidad.

Sa loob ng pamantasan, ang susunod na pagkilos ng “The E-waste Project” ay magaganap mula sa ika-8 hanggang ika-12 ng Abril. Magsasagawa sila ng drive sa ASCAL kung saan kokolektahin ang mga E-waste upang ipadala sa kanilang accredited recycler. Kaya hinihikayat ng UP Circuit ang mga mag-aaral na kung mayroon tayong mga gadget na hindi na mapakinabangan, ipunin na natin bilang kontribusyon. Maaari din natin anyayahan ang ibang tao sa loob at labas ng pamantasan upang makilahok sa programang ito.

Kung kayo’y interesadong sumapi sa  “The E-waste Project” o sa organisasyong UP Circuit, o kung kayo’y mayroong mga suhestiyon, concerns, at iba pa— mangyaring kontakin sila sa kanilang e-mail upang makapagpadala ng sulatroniko o mensahe: upcircuit@gmail.com o kaya’y sa pamamagitan ng kanilang Facebook page: fb.com/UPCircuit.

Comments

Your email address will not be published.


*


Opisyal na lingguhang pahayagan ng mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman