Kahit kailan ay hindi ako naging marupok.

Hindi ako madaling matangay ng mga naglalakihang  “SALE 50% OFF” na makikita sa iba’t ibang sikat na clothing line sa malls. Dahil una, hindi naman ako palagawi sa mga malls. Pangalawa, alam kong may napakaliit na “(on selected items only)” ang nakalagay sa mga ga-blackboard na karatula na iyan. Kapag madali kang magpadala sa panunuyo nila, madali ka ring mapapamahal… nang sobra.

Matibay rin ang sikmura ko.

May war sa salitang wardrobe para sa isang dahilan. ‘Yon ay upang makapaghanap ng magagandang damit, kailangang pumunta sa mainit, humalukay sa masikip… na ukay-ukay . So, to every alta who’s reading this right now, and to every Peti B who wants to be fab, here is a very short lang naman na guide to ukay-ukay:

Research some pegs. Personally, mga printed polo ang hanap ko sa contemporary era ng “Hey Barbara!” — pero malaya kang kumuha ng inspirasyon kahit saan. Kahit sa inidoro ng CR n’yo. May bidet man o wala.

‘Wag kang mapili sa una kung saang ukay-ukay ba. Basta may pinaglumaang damit na itinitinda, may mahahanap ka.

Maging masipag sa pagkalkal sa salansanan, halukay lang hanggang may damit na magpalukso sa iyong dugo.

Gaya ng isang printed polo na nabili ko noong nakaraang linggo. Kulay green ito at may tunaw na orasan ang print, surreal (saw-leehd, man), sa halagang P100. Amoy bagong laba naman nang bilhin ko kaya sinuot ko rin papunta sa isang school kung saan judge ako sa isang contest. Patapos na ang timpalak nang mapansin namin ng kasama ko na may butas pala ito sa likod. Isang maliit na butas na masasabi mong dulot ng pamamaso. Singliit ng bibig ng sigarilyo. Dito na nag-umpisa ang kuwentong walang nagkuwento sa akin, kundi ng isang butas sa tela ng pinaglumaang damit.

Paano nga kaya nagkaroon ng paso ang damit na iyon? Ang isang butas na wala kang kaalaman kung paano nabuo ay pagmumulan ng iba’t ibang kuwento kung papaano. Ang isang ideya, kapag dumaan sa proseso ng reification ay nagiging isang materyal, o item na ibinibenta, nawawalan ito ng kasaysayan. Ganito ang itinuro sa amin ni Sir Mykel Andrada sa klase.  Hinalimbawa niya ang mga bagong tayong malls— madalang nang isipin ng mga tao kung ano ba ang lugar na iyon noon bago pa naging mall. Tsaka nila iisipin kung bakit mas madalas nang bahain ang lugar nila ngayon kesa noon. Isa ring magandang halimbawa ang mga katutubong kasuotan sa Baguio, magbabayad ka ng isang daan para makuhaan ka ng litrato nang suot mo ito, nang di mo nalalaman na ang mga katutubo roon ay wala nang maayos na tirahan bunsod ng komersalisasyon ng lugar.

Ganoon rin sa nabili kong damit sa ukay-ukay. Hindi ko na naisip kung sino ang may-ari ng polo na iyon noon, at ano ang posibleng nangyari o ginawa niya bago ito nagkaroon ng butas. Ito ang mga haka ko habang tinitignan ang butas:

(a.) Ang dating may ari noon ay fratmen at kasama sa initiation nila ang pagtanggap ng paso ng sigarilyo.

(b.) Isang aktibista ang may-ari noon, pinaso siya ng sigarilyo sa gitna ng interogasyon. Pero mahirap idiin na aktibista nga ang may-ari, dahil sa panahon naman noon, kahit ngayon, kahit sino maaaring mapasabak na lang sa interogasyon. Basta kabilang ka sa 18 na unibersidad na nasa balita noong nakaraan, kasama ang isang mislabeled na napagkamalan pang non-existent na kolehiyo.

(c.) Baka isang abused biological offspring of two homo sapiens commonly known as “anak” or “tagahugas ng pingganang may suot noon dati, tsaka naisipang gawing ashtray ng abusadong amain ang likod nito.

(d.) O baka naman nasira lang ng nag-aayos sa ukay nang sinubukang plantsahin. Kaso, wala namang plantsang ganoon ang hugis.  Masyado lang ata akong advanced mag-isip para mag-reverse engineering.

Pero ang mahalaga, sa isang butas na iyon, napunta ako sa iba’t ibang posibleng kasaysayan. Isang bagay na nalilimutan ng marami, ang magbaliktanaw upang makita ang mga bagay na wala na ngayon ngunit importante sa pag-usad ng panahon. Pagmamay-ari ng iba noon, fashion sense mo na ngayon. Lupang ninuno noon, kapitalistang siyudad na ngayon. Diktador noon, “Bayani” na raw noon?

‘Yan ay dahil sa nalimutang kasaysayan, at kapag ang isang piraso ng kasaysayan ay nalimutan, nagiging butas ito sa ating isip, sa tela ng ating bandila, sa ating mga apelyido. Kaya ang ginagawa ng ilan, ay tumitig at mag-imbento ng kasaysayang maaaring tumapal rito. Ngunit bakit ka nga ba tatangkilik ng peke? Kapag ba magaling itong mangumbinsi o pinaniniwalaan ng marami? Gayunman, peke pa rin. Basta ako, hindi ako marupok. Pinag-iisipan ko muna ang bawat makita kong butas. ■

(Unang nailathala ang artikulong ito sa Philippine Collegian Tomo 96, Isyu 1, 19 Oktubre 2018. Dibuho ni James Atillo.)

Comments

Your email address will not be published.


*


Opisyal na lingguhang pahayagan ng mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman