Totoo bang “You only live once”? Sasabihin ng mga pilosopo —na sa memes natuto ng philosophy— na hindi lang isang beses nabubuhay ang tao. Kung iisiping mabuti, araw-araw tayong nabubuhay. Isang beses lang tayong mamamatay, kaya gawin na nating memorable — sabi nga ng bandang Tanya Markova sa kanta nilang “End Of The World”, at wala na sigurong ibang paraan sa digital age kung hindi i-share ito sa ating friends sa Facebook.

Aba’y bakit hindi? Ayon sa pag-aaral na ginawa ni Anna Vital, Founder at Information Designer ng Adioma.com, tinatayang 80,000 katao ang makikilala ng isang tao sa buong buhay niya, samantalang 47 milyon naman ang bilang ng mga taong gumagamit ng Facebook sa Pilipinas at nadaragdagan pa. Kung iisipin (at gagamitan ng Math) lumalabas na 0.17% lang ng kabuuang populasyon ng mga Filipinong gumagamit ng Facebook ang 80,000 na kataong maaari mong makilala sa buong buhay mo. Tuldok lamang kung iisipin. Patak lang ng tubig-alat sa dagat. Kaya kung lilisan ka sa mundong ibabaw (huwag naman sana) madali lang kakalat ang balitang wala ka na. Pero ang tanong, puwera kompyutasyon, sinu-sino ang may pakialam sa balita?

Hala, sige. I-memento mori natin ‘yan. Kunwari ay namatay ka— kunwari lang— sinu-sino ang mag-aalala? Sa kapangyarihan ng iyong common sense, may listahan ka na agad ng mga taong iiyak sa iyong lamay. Matitimbang mo rin kung sino ang madaling makalilimot at kung sino ang hindi. Kilala mo ang mga taong hinding-hindi ka mapakakawalan. Dito na mapagtatantong ang Facebook friends list mo ang logbook ng makikiramay sa lamay mo at timeline mo ang magsisilbing virtual lapida mo pagdating ng araw. Silang mga bibisita lagi sa iyong timeline at aalalahanin ang naging pag-iral mo sa mundong ibabaw.

Ngayon mo lang ba naisip ito, o masyado ka bang takot sa konsepto ng mortalidad para isipin? Masuwerte ka! Dahil nauna na itong inisip ng Facebook para sa iyo. Mayroong tinatawag na Legacy Settings at makikita mo ito sa Account Settings ng iyong Facebook, dito ay may dalawa kang pagpipilian. Una, ang burahin ang iyong akawnt kasabay ng pagkabura mo sa mundo, pangalawa ay ang pagpili ng iyong Legacy Contact. Ang tao kung kanino mo ipagkakatiwala ang iyong akawnt kapag wala ka na, ipapaalam niya sa Facebook na wala ka na at ang iyong akawt ay mame-memorialize.

Memorialize— ang gandang salita sa ingles, memory ang salitang ugat na tinambalan ng suffix na “-ize”, kung baga isinaalala o ginawa na lamang isang alaala. Pagkat ganoon ang buhay pagtapos ng pagpanaw, nagiging alaala na lang. Tinulungan lamang tayo ng Facebook na umalala sa mas detalyadong lebel. Ang memorialized na akawnt kasi ay isang akawnt na prineserba upang mabisita ng mga taong malapit sa iyo, mabasa ang mga luma mong post at tignan ang iyong mga litrato. Maaari pa nga silang magkomento rito at puwede pang i-share. Mayroon namang kakayahang mag-post ang iyong Legacy Contact upang ipaalam sa lahat ang iyong pagpanaw, maaari rin niyang palitan ang iyong profile picture.

Kaya naman kahit dalawang taon ka nang patay sa mundo ng Facebook, malalaman pa rin naming isa ka sa mga nagpapakalat ng fake news. Mababalikan namin ang mga rants mong pagkahaba-habang naglalaman ng iyong paninindigan ukol sa mga isyung kinasangkutan mo habang nabubuhay ka pa, makikita namin kung may nabitawan kang sexist o mysogynist na pananaw. Hindi lang namin matatandaan, kundi mababalik-balikan pa namin kung naging sino ka dahil hindi lang basta post ang mape-preserba, kundi pati na rin ang iyong identidad.

Sabi ni Socrates bago siya bitayin noon sa sinaunang Griyego: Bakit ako matatakot?! Paniniwala kasi ng pilosopo na ‘di dapat katakutan ang kamatayan. May dalawa siyang naisip na maaaring mangyari kapag namatay ang isang tao.

Una, ang kamatayan raw ay isang Dreamless Sleep, habang-buhay na pagtulog ngunit walang panaginip. Kung ganoon nga, congrats! Makakabawi ka na mula sa pagpupuyat na ginawa mo sa kolehiyo.

Pangalawa naman, ang afterlife daw ay kamukha lang ng Athens kung saan namuhay si Socrates, nga lang at wala tayong katawan na kailangan pang matulog, kumain, umihi, etc. — ang mga isip lang natin ang madadala natin sa kamatayan. Goodluck sa paghahanap ng eternal peace of mind.

Ngunit kung ganoon nga, bawas na sa Afterlife Problems mo ang pamamahala sa iyong facebook account at sa posibilidad na makalimutan ka ng mga friends mo dahil hindi ka na nalabas sa kanilang newsfeed, maaari ka pa ngang magkaroon ng bagong FB friends dahil maaari itong kumpirmahin o hindi ng iyong Legacy Contact. May online lapida ka na, may online caretaker/sepulturero ka pa. 

E paano kung nais kang kausapin ng mahal mo sa buhay habang nagluluksa? Espritista no more! Dahil kinalaunan, lalaganap na ang mga “Griefbots”— ito ay naimbento ng AI-expert na si Eugenia Kuyda, may-ari ng Tech Company na Luka. Una niyang ginawan ng modelo ng AI na ito ang bestfriend niyang si Roman Mazurenko na pumanaw noong 2015. Kinalap ng AI ang mahigit 8,000 na mensahe ni Roman sa iba’t ibang tao upang makopya nito kung paano ba siya makipag-chat. Maaaring ganoon rin ang gawin sa iba pang mga tao sa hinaharap, mula sa abo ay magiging Artificial Intelligence na.

Palago na nang palago ang teknolohiyang pangkamatayan at pangkabilang-buhay, maaaring may digital afterlife, ngunit papunta na tayo sa digital immortality. Nga lang, kikilos ang AI kung paano ka kumilos at makipag-usap noon, kaya kung naging masama kang tao, masamang AI rin ang mabubuhay sa kamatayan mo.

Dahil sa mga ito, maaari ka nang “mabuhay” online kahit sa paningin lang ng mga maiiwan mo. Nang sa gayon ay parang kasama ka pa rin nila. Pagbutitihin na lamang natin ang buhay nang sa gayo’y gustuhin pa rin nila tayong makasama ‘pag tayo ay nawala. Sikapin nating mag-iwan ng magandang digital footprint, ‘ka nga. Totoo, hindi natin matitiyak kung totoo ngang “You only live once”, ngunit sa makabagong panahon, masasabi nating You’ll olweys live online.

(Dibuho ni Ran Martinez.)

1 Comment on "#YOLO: You Olweys Live Online"

  1. Wala bang may mas makatuturang article bukod dito? Anong kaibahan niyo sa kababawan ng mainstream media? Mukha kayong fakenews, imbes na ipagpatuloy ang militancy ng Kule ito inaatupag niyo. Seriously?! you have the guts to publish this despite the political climate we have now. Do not dumb down the issue. You are not formed to be passive distributors of non sense!

Comments

Your email address will not be published.


*


Opisyal na lingguhang pahayagan ng mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman